Extraordinary People: Willie Santos
- Rod Barit
- Apr 18, 2020
- 2 min read

Noong binuo namin yung BPI Toastmasters Club noong 2016, may isang miyembro kaming nagstand out. Hindi namin siya kilala dati, pero dahil nabasa niya daw yung advertisement namin na inemail sa lahat ng BPI employees, nagpakita siya sa unang meeting.
Dalawang beses ang meeting ng Toastmasters kada buwan. Sa bawat meeting, may nakahandang speech si Sir Willie. Sa sobrang bilis, sipag at enthusiastic niya sa club, naging Competent Communicator (CC) siya hindi pa natatapos ang isang taon - kailangan mo makatapos ng 10 basic speeches para maging CC. Isang kabalintunaan na puro nasa 20's yung members namin pero ang pinaka uhaw matuto ay si Sir Willie na paretire na noon. Sana ganoon rin ako kasabik matuto pagtungtong ko ng ganung edad.
Nakakatuwa yung mga kwento ni Sir Willie sa speeches niya. Nakukuwento niya na gumagawa siya ng "Toastmasters meeting" sa bahay nila kasama ang kanyang mga anak. May magsspeech ng impromptu, tapos may mageevaluate din. Sa meetings namin sa BPI, nadala na niya yung tatlong anak niya at asawa. Tapos, naging members na din yung kanyang mga anak. Nahihiya ako dati na magstart ng late ang meeting kasi sigurado ako naghihintay na si Sir Willie sa meeting room. Siguro siya yung anchor namin ng mga panahong iyon.
Nakapagclimb din kami minsan sa Mt. Daraitan. Doon ko nakita kung paano niya alagaan ang kanyang pamilya. Sobrang sweet ni Sir Willie sa kanyang asawa at sa kanyang anak na si Marian. Sobrang hirap ng inakyat naming bundok dahil umulan at naging maputik, pero hawak-hawak niya ang kanyang anak at asawa sa buong akyat namin. Kapag nagkapamilya din ako balang araw, pangarap ko na maging Sir Willie sa kung paano niya alagaan at mahalin ang kanyang pamilya.
Nakakalungkot lang dahil hindi ko na siya matatanong kung paano ito gawin. Noong nakasama ko si Sir Willie sa Toastmasters, labas pasok na din siya sa hospital dahil sa sakit na cancer. Bago natapos ang 2019, tuluyan ng nagpaalam sa mundo si Sir Willie.
Maraming salamat Sir Willie dahil nakilala kita, dahil naging kaibigan kita. Physically, marahil nagpaalam ka na, pero habang buhay naming dadalhin ang iyong ala-ala, mga kwento at positibong impluwensiya. †
For more content:
Facebook page: https://cutt.ly/0e6vDrJ
Youtube channel: https://cutt.ly/je6bwU4
Website: https://cutt.ly/8t4l04j
תגובות