Reflections of a PWD
- Rod Barit
- Apr 18, 2020
- 3 min read

Noong maaksidente ako nung October, kinailangan akong isurgery. Pagkatapos ng surgery, nasubukan ko kung paano ang buhay ng isang Person with Disability (PWD). Nilagyan ng cast yung kaliwang paa ko at makakalakad lamang sa tulong ng saklay. Hindi siya madali. Nakakapagod at nakakangawit kahit na sobrang lapit lang ng pupuntahan.
Nababasa ko dati ang mga big words na marginalized, inclusion at freedom pero sa mga panahong ito ko lang yata napalalim kung ano talaga ang kahulugan nito (at tingin ko malayo pa ang aking karanasan sa mga may mas ‘severe’ na disability). Sana mapahintulutan niyo akong ibahagi kung ano yung mga natutunan ko sa mga panahong ito:
1. Freedom (Transportation system). Natatawa ako nung sinabi ko sa kaibigan ko na hindi PWD-friendly ang ating transportation system. Sabi niya, Rod kahit hindi nga PWD, hirap eh. May point siya. Iniisip ko pa lang, parang imposible na para sa taong nakasaklay magcommute. Paano pa kaya yung nakawheel chair no?
Una, yung bus at jeep natin, masyadong mataas yung pagitan ng lupa at nung unang apakan. Pinakamahirap kasi sa nakasaklay yung stairs – lalo na kung matarik. Pangalawa, sa MRT, parang sira ata yung elevator sa Shaw at Ayala Stations (papasok at palabas ng stations at platform). Sana maayos siya para makapagMRT din ang ating mga kababayang PWD. Sa tingin ko, isang malaking ginhawa para sa mga PWD ang modernization ng ating transportasyon na ginagawa ngayon.
Isang biyaya ang maglakad, ang makapaglakad, ang makapunta sa mga lugar nang hindi nahihirapan – ang maging malaya. Ang daming magagandang tanawin sa bansa – bundok, talon, dagat, lawa, bulkan – at nalulungkot ako na marami sa mga ito ay hindi ko maibabahagi sa aking pinsan (dahil nakawheel chair siya) at sa mga ibang nasa sitwasyon niya.
2. Kindness. Sa kabila ng napakahirap na transportasyon, napapagaaan ito ng mga napakabait na mga tao sa paligid. Pinapauna ako sa mga elevators at sa pila ng tricycle. Randomly, may mga taong aalalay sa mga mahihirap na parte ng lakaran. Minsan, umakyat ako sa hagdan tapos buti na lang may lumapit na guard para alalayan ako, tapos sakto muntik ako ma-out of balance at mahulog.
Nung sinubukan ko magbus, pinapaupo ako sa harap, dun sa PWD/Senior Citizen section. Nung nakapila ako sa Jollibee at sa Mcdonald’s, parehas na pinaupo na lang ako ng mga staff sa table at doon kinuha yung order at pera ko. Tapos yung sukli, kasama na ng pagkain namin.
Naramdaman ko ang ‘genuine care’ ng mga tao sa paligid. Muli, napatunayan ko na natural na napakabait ng mga tao sa mundo.
3. Openness. Maging bukas sa tulong ng iba, sa kabaitan ng iba. Madalas, sa atin (guilty ako dito haha), kapag inaalok tayong tulungan ng mga tao sa paligid natin, parang ayaw natin. Parang yung madalas na sinasabi natin, “okay lang, kaya ko ‘to” o di kaya “hindi okay lang, kaya ko na”.
Kapag tayo yung nagbibigay ng tulong, hindi ba ang sarap sa pakiramdam? At kapag tayo yung inalukan ng tulong, tapos tumanggi tayo sa tulong ng iba, parang ninanakawan natin yung nag-alok ng tulong na maramdaman yung saya ng pagtulong. Sa bawat tao na nag-alok na tulungan ako habang ako ay nakasaklay, marami pong salamat. Sinusubukan kong magpatulong sa bawat okasyon na iyon, pero hindi ata lahat napagbigyan ko.
Lumaki ako na sinasanay ang aking sarili kung paano magbigay, pero kailangan din pala sanayin kung paano maging bukas at tumanggap. Walang makakapagbigay kung walang tatanggap.
Isang araw, habang pauwi ako, may bulag akong napansin na bumaba ng jeep. Inalalayan siya ng isa pang pasahero para makapunta sa sidewalk. Naramdaman ko yung hirap niya kaya nilapitan ko at niguide ko konti dahil parehas kami ng pupuntahan. Nung maghihiwalay na kami ng direksyon, iniwan ko na siya. Tapos, pinagmamasdan ko siya habang papalayo na naglalakad mag-isa. Para sa akin, ang galing niya. Kung paano siya nakakasurvive magcommute, hindi ko alam.
Sa mga susunod na mga araw, hindi ko na kakailanganin magsaklay. Pero napapaisip ako para sa mga taong habambuhay na pagdaraanan yung napagdaanan ko. Totoo, mahirap ang buhay. Pero mas mahirap para sa mga kababayan nating may kapansanan. Ano kaya ang pwede nating gawin?
For more content:
Facebook page: https://cutt.ly/0e6vDrJ
Youtube channel: https://cutt.ly/je6bwU4
Website: https://cutt.ly/0e6belM
Comments